Kung ang tanging magagawa mo ay maghintay sa pagbalik ng normal na takbo ng mundo, ano ang gagawin mo sa bakanteng oras mo?
Sa edad na 19, lumuwas mula sa isla ng Samar si Ate Len De la Cruz, hindi tunay na pangalan, patungong Makati City upang magtrabaho bilang isang tagapag-alaga ng bata. Bagama’t nakapagtapos ng highschool at nasubukan ang iba’t-ibang trabaho, kagaya ng pagiging assistant sa paaralan at trabahong pang pabrika, ay mas napamahal sa kanya ang pag-aalaga ng bata na kaniyang ginampanan ng sampung taon. Habang nagtatrabaho doon ay nakilala niya si Kuya Jose reyes, hindi tunay na pangalan, isang magsasaka sa bayan ng Danglas, Abra.
“Nakilala ko siya sa online. Chat-chat lang nung una pero noong nagkita kami dito sa Maynila, nagdesisyon kami na magsama at umuwi sa kanila sa Danglas.”, kwento ni Ate Len. Sa Danglas ay magkasama nilang sinasaka at binebenta ang kanilang ani. Sa kabila ng pagkakaiba ng kanilang kultura at diyalekto ay napamahal nadin si Ate Len sa bayan ng Danglas.
Taong 2020 nang tila pinatigil ng COVID-19 ang pag-ikot ng mundo. Maraming trabaho ang natigil, maraming magsasaka ang nahirapang mag-benta ng kanilang ani, at marami ang nanatili sa kanilang mga kabahayan upang mapabagal ang pagkalat ng nasabing virus. Sa kabila nito ay patuloy ang pagbibigay serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan. Hindi lang upang maibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga pamilya ngunit pati ng komunidad.
Isa sa mga natukoy ng mamamayan at lokal na pamahalaan ng Danglas na kanilang pinaka-kailangan ay ang paggawa ng slope protection sa sitio ng Abaquid. Layunin nitong makatulong sa pagkontrol ng baha sa lugar upang maiwasan ang mga negatibong epekto nito sa komunidad. Ito ay ipinatupad sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services, programa ng Department of Social Welfare and Development. Sa nasabing programa ay hinihikayat ang partisipasyon ng mga mamamayan sa pagkilala, pagpa-plano, at pangangalaga ng mga proyektong ipinapatupad sa kanilang lugar. Layunin nito na sila ay maging kasangga ng gobyerno sa pag-unlad ng bansa.
“Noong naghahanap po sila ng community volunteers ay ginusto ko po kasi madami po akong bakanteng oras at makatutulong naman din po siya sa barangay.” pahayag ni Ate Len.
Siya ay inatasan bilang tagapamahala sa pagpapatupad ng nasabing proyekto. Maaga siyang gumigising upang pumunta sa site at i-tala ang pagpasok at pag-uwi ng mga manggagawa. Siya rin ang tumatanggap at nagsusuri sa mga materyales na idinedeliver upang masiguro ang bilang at kalidad ng mga ito. Bago man ang lahat ng mga ito sa kanya ay mabilis niya itong natutunan sa tulong ng mga trainings na isinagawa para sa kanilang mga community volunteers.
“Ang dami kong natutunan dito na hindi ko naman ginagawa dati. Kagaya ng tamang sukat ng tubig sa bato at semento. Dahil alam ko ang kailangan sukat at nagagamit ay nakikita namin kung kailangan pa ba ng karagdagang materyales.”, kwento ni Ate Len.
Hindi rin siya nag-aatubiling maglaan ng mas mahabang oras kapag nag o-overtime ang mga manggagawa ng nasabing proyekto.
“Alam ko na walang bayad ang pagtulong ko dito pero masaya ako sa ginagawa ko. Kung matapos man ito at hindi pa ako makapag hanap ng trabaho ay patuloy parin akong magvo-volunteer dito sa barangay dahil para naman ito sa nakararami at sa aming barangay”, dagdag niya.
Ang slope protection ay natapos noong Disyembre 2021. Isang istrakturang nagpapakita ng pagkakaisa ng mga mamamayan, iba’t-ibang lugar man o kultura ang pinagmulan, upang makagawa ng bagay na makakapag-bigay ng benepisyo sa lahat.
Kagaya nga ng paglarawan ni Haring Solomon sa isang Babaeng Magiting sa libro ng Kawikaan 31:27 ng Bibliya, “Kaniyang tinitignang mabuti ang mga lakad ng kaniyang sambahayan, at hindi kumakain ng tinapay ng katamaran.”
Si Ate Len ay isa sa mga ehemplo ng mga kababaihan na hindi sinasayang ang kaniyang bakanteng oras. Bukas sa bagong mga kaalaman upang maragdagan pa ang kaniyang kaalaman. Handang tumulong ng walang hinihinging kapalit dahil sa pagmamahal niya sa komunidad na kaniyang kinabibilangan. #DSWD-CAR, Social Marketing Unit, Eden Faith S. Fataner