Benguet Province– Isa sa mga mahalagang tulong sa maayos na paglaki ng bata ay ang pagpasok nila sa Child Development Centers (CDC). Dito ay nahuhulma ang pag-iisip at pakikisama ng mga bata sa kanilang murang edad kaya naman mahalaga na ligtas ang mga bata sa pagpasok dito. Malayo ito sa karanasan ng mga bata sa Sitio Taaw sa Barangay Tawangan ng munisipalidad ng Kabayan, kung saan ang pinakamalapit na CDC sa kanila ay maabot matapos ang isa’t kalahating oras na paglalakad. May sasakyan man ngunit ang pag-arkila ng motor ay aabot ng dalawang daang piso kaya naman mas pinipinili nilang maglakad kasama ang kanilang anak.
Taong 2018 pa nais ng mga mamamayan doon na sana ay may maipatayo na CDC sa kanilang Sitio. Matapos ang ilang taong paghihintay ay naitayo na rin ang eskwelahan nitong Agosto 2021 na naipatupad sa ilalim ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan- Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services, National Community Driven Development Program (KALAHI-CIDSS NCDDP) ng Department of Social Welfare and Development Cordillera Administrative Region.
Sa pamamagitan ng nasabing programa ay hinihikayat ang mga mamamayan na lumahok sa pagpili ng mga pangunahing pangagailangan ng kanilang komunidad. Isinusulong din ng programa ang pagkakaisa at pakikipagtulungan ng komunidad at lokal na pamahalaan na maisagawa ang proyekto sa kabila ng limitadong pondo ng programa.
Kaya naman nang ginanap ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee Meeting at naghanap ang kanilang lokal na pamahalaan ng bakanteng lupa para sa nasabing CDC ay hindi nagdalawang isip si Ginoong Albert S. Atos na i-alok ang kanyang lupa. May mga iba ding residente ang nag-alok ng kanilang lupa ngunit sa isinagawang inspeksyon ay ang kaniyang lupa na malapit sa kalsada ang nakitang pinakamagandang lugar na pagpapatayuan ng istraktura.
“Ada metlang ti daduma nga nangibaga nga mabalin da nga ited diyay lote da nga pagpatakderan para idjay daycare ngem adayo gamin. Ada pay ti patad nga insurok nu kayat da nga pagpatakderan ngem asideg gamin idjay garden ket delikado iti salun-at iti ubbing ta diyay insecticide isunga di kinita mi ditoy kt mabalin mt nga makabite ken asideg ti kalsa, isu en ti inted ko.” (May ilan din sa amin ang nag alok ng kanilang lupa bilang donasyon pero malayo. May isa pa akong lupa na patad na una kong inalok ngunit malapit kasi ito sa mga taniman kaya’t delikado sa kalusugan ng mga bata dahil sa ini-ispray na insecticide. Kaya itinuro ko itong malapit sa kalsada), kwento ni Ginoong Atos.
Bagama’t wala pang apo si Ginoong Atos na maaring mag benepisyo sa ipapatayong istraktura ay hindi ito naging hadlang upang kaniyang ibigay ang kaniyang lupa. Maliban dito ay tumulong din siya sa pagpapatayo ng istraktura sa kabila ng kaniyang pagsasaka. Kasama ang kaniyang anak at mga kapitbahay ay boluntaryo nilang ginawa ang site levelling at grading ng proyekto upang masigurong ligtas ang lugar kung saan itatayo ang istraktura. Ang mga kababaihan naman ay tumulong sa pagbuhat ng mga materyales at paghahanda ng makakain ng mga nagbabayanihan para sa proyekto. Ito ay nakatulong ng lubos sa pagtapos ng child development center sa loob ng dalawang buwan na nagkakahalaga ng higit-kumulang na Php 1.1M.
Sa ilalim ng programa ay nabigyan din ng training ang ilan sa mga community volunteers ng proseso ng pagsagawa ng government projects. Nababantayan din na tama ang paggamit ng pondo dahil ito ay ipreni presinta ng lokal na pamahalaan sa mga pagpupulong.
Sa pamamagitan ng Community Driven Development approach ng programa ay tumataas ang partisipasyon at pananagunatan ng mga mamayan sa mga isinasagawang programa ng gobyerno habang nasisiguro ang transparency sa proseso. Dito ay kalahok sa bawat hakbang ng pag-unlad ng bayan ang mamamayan ng walang pinipiling kasarian o estado sa buhay.#DSWD-CAR, Social Marketing Unit, Eden Faith S. Fataner