Ako si Milagros Bumutaw, 52 taong gulang at mula sa Bulanao, Kalinga. Sampu ang aking anak. Akala ko noon ang isang babae ay dapat nasa loob lang ng bahay at nag-aalaga ng anak. Pero simula nang naging Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiary ako, nalaman ko na mas marami pa pala akong pwedeng magawa at magampanan, hindi lang para sa ikauunlad ng aking sarili, kundi lalo na ng aking pamilya at komunidad.
Dahil sa Family Development Sessions, napaunlad ko ang aking pakikipagkapwa-tao. Natuto akong makisalamuha sa iba’t ibang tao at maipagmamalaki ko na pinagkakatiwalaan ako ng aking mga kasamahan maging sa mga personal nilang problema. At bilang kapalit, pinipilit kong hindi masira ang tiwala na ibinigay nila saakin. Sinisubukan ko rin na makapagbigay ng payo sakanila lalo na sa pagpapalaki ng anak at sa kanilang relasyon bilang pamilya. Kaya ko pala!
Masaya ako kasi kaya kong humarap sa aking mga kagrupo at makibahagi sa talakayan sa pamilya. Masarap ‘yung pakiramdam na may mga taong nakikinig saiyo, at kinikilala ka nila bilang role model. Kahit mahirap lang kami, hindi kami nag-aaway na mag-asawa at malaki ang respeto namin sa isa’t isa. Eto ang dahilan kung bakit ang aking mga anak lalo na ang mga lalaki ay lumaking marespeto at hindi nakikipag-away. Maayos ang aming relasyon at napalaki naming mabubuti ang aming mga anak. Ang isa ko ngang anak ay nagtratrabaho na bilang isang pulis. Kaya ko pala!
Ang dami ko palang kayang gawin. Lahat ng ito, nalaman ko mula ng maging miyembro kami ng Pantawid Pamilya. Kaya ko palang maging mabuting halimbawa sa kapwa ko kababaihan kahit ako ay isang maybahay lamang. Kaya ko pala silang hikayatin upang aktibong makibahagi sa mga gawain sa komunidad. Kaya ko palang patunayan na hindi lang ako isang ina o asawa, kundi isa akong daan sa pagpapalaganap ng mahalagang bahagi na ginagampanan ng bawat babae sa ating lipunan. Ano man ang estado ng aming buhay, kaya ko palang maging instrumento ng pagbabago. #DSWD-CAR, SOCIAL MARKETING UNIT with Nerizza Faye G. Villanueva and Maria Elaine Labasan, as told by Milagros Bumutaw