Cordillera Administrative Region – Matagumpay na naisagawa ng DSWD-CAR ang sabay na pilot testing ng i-Registro sa Kapangan, Benguet, at Bontoc, Mountain Province noong ika 20 ng Disyembre 2024. Sa ngayon, ang i-Registro ay isang digital platform para sa mga aktibong benepisyaryo ng 4Ps, partikular na ang mga buntis at pamilyang may anak na edad 0–2 taon, na naglalayong gawing mas mabilis at maginhawa ang pag-update ng impormasyon para sa implementasyon ng First 1,000 Days (F1KD) cash grant.

Paano Gumagana ang i–Registro?
Maaaring magamit ng sinumang aktibong 4Ps household-beneficiary ang platform kung sila ay:

  • 18 taong gulang pataas
  • May PhilSys/National ID o ePhil ID
  • May mobile device, internet, at maayos na signal

Sa pamamagitan ng i-Registro, maaaring i-update ang impormasyon ng:

  • Buntis (pinuno ng sambahayan, asawa ng pinuno, anak na babae, manugang, o apo na naninirahan sa parehong sambahayan).
  • Mga bata na edad 0–2 taon (anak na lalaki/babae o apo na naninirahan sa parehong sambahayan).

Ang platform ay isang alternatibo sa tradisyonal na BUS Form 5, na gumagamit ng papel at panulat para sa pagkuha ng impormasyon. Bagamat may opsyon pa rin ang mga benepisyaryo na gamitin ang tradisyonal na paraan, hinihikayat ng DSWD ang paggamit ng i-Registro para sa mas maginhawa at mabilis na pag-update, lalo na kung may access sa mobile devices at internet.

Pilot Testing sa Kapangan at Bontoc
Sa dalawang lugar na napiling testing areas, sinanay ang mga field staff at barangay health workers para sa maayos na implementasyon ng i-Registro. Aktibo ring nakibahagi ang mga 4Ps beneficiaries sa pagpaparehistro at pag-update ng kanilang impormasyon gamit ang platform.

Ayon kay DSWD FO CAR Assistant Regional Director for Operations Enrique H. Gascon, Jr., “Ang i-Registro ay isang makabagong hakbang na magpapabilis sa ating serbisyo para sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito, natitiyak nating mas magiging mabisa ang ating proseso ng pagkuha ng datos.”

Ang i-Registro ay patuloy na isusulong ng DSWD bilang bahagi ng inisyatibo nito na gawing digital, mabilis at mas madali ang mga serbisyong pampamahalaan. Inaasahang ipapatupad ito sa mas maraming lugar sa hinaharap.#DSWD-CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, Joanna Marie M. Caponpon-Apostol, Administrative Assistant III