“Agkakadwa tayon into kuma Daddy, Mamang”, wika ni Ayesha.

“Hindi ko makakalimutan iyong sinabi niya  sa akin noon, na sana (isang araw) magkakasama na tayo Daddy, Mamang.”, paglalahad ni Walter.

Si Ayesha, 16 na taong gulang, ang panganay na anak nina Walter Cantoria at Ginalyn Taeza. Lumaki ito sa kaniyang mga lolo at lola sa kadahilanang nahirapang pagsabayin ng kaniyang mga magulang ang pagbantay sa kaniya at kaniyang nakababatang kapatid na si Anne, habang nagsasaka sa Vizcaya. 

“Nakikisaka kami sa Vizcaya,minsan dalawang beses sa isang taon ang ani, minsan naman tatlo.” kwento ni Walter.

Taong 2020 ng sunod-sunod na nagdeklara ng lockdown ang mga lugar sa Pilipinas upang makontrol ang pagkalat ng COVID-19. At sa araw na nagdeklara ng lockdown ang bayan ng Bucay, Abra ay sumaktong dinalaw ng mag-asawang Walter at Gina si Ayesha.

Dahil nga sa mahigpit na patakaran ng pagbiyahe ay na lockdown sila sa Bucay. Ito ay nagtuloy-tuloy hanggang sa nagdesisyon ang mag-asawa na sa Bucay na manirahan. Sila ay pinatira sa bahay ng kanilang kamag-anak. Sa kanilang konting ipon sa pagsasaka ay pinaayos nila ang bintana at pintuan nito. Gumamit naman sila ng kurtina upang ma-division ng pansamantala ang mga kwarto. 

“Noong nagdesisyon kami na dito na manirahan ay pinatira kami sa bakanteng bahay ng pinsan ng aking asawa. Nakita ko kung gaano naging masaya si Ayesha na kasama na niya kami sa iisang bahay.”, ani Walter.

Nang mapansin ni Walter na matapos magsaka ang kanilang mga kababayan ay nag aaligaga ang mga ito upang magluto ng kanilang kakainin, napag-isipan nilang magbenta ng mga lutong ulam. Kasabay nito ay tumatanggap din si Walter ng mga pag repair ng motor. Makalipas ang isang taon ay narinig nila ang Balik Probinsya Bagong Pag-asa (BP2) Program at sila ay nagpa rehistro at assess dito, bibit ang pag-asang ito ang tutulong sa kanilang bagong simula sa bayan ng Bucay.

Nang sila ay maqualify na benepisyaryo ng BP2P ay nakatanggap sila ng pangunahing tulong na higit-kumulang Php 40,000.00. Matapos mabili ang kanilang pangangailangan at gamit ng mga anak sa eskwela ay ipinangdagdag puhunan nila ang naiwan sa pagbebenta ng lutong ulam at ihaw-ihaw. Patuloy naman itong tinangkilik ng kanilang mga kababayan.

Sa dikalaunan ay  natanggap din nila ang PhP 50,000.00 na kanilang pang kapital ng sari-sari store. Agad naman nila itong ginamit at pinangtayo upang madagdagan ang kanilang kinikita sa mga lutong bahay. At kahit abala ang mag-asawa sa kanilang mga maliit na negosyo ay tumatanggap parin si Walter ng pagrepair ng motor. Sa kanilang pag-pupursige ay ginamit din nila ang ilang sa kanilang kita upang maging distributor ng isang kilalang brand ng ice cream. Sa ngayon ay apat na ang outlet na kanilang sineserbisyuhan sa pagbebenta lamang ng ice cream.

“Malaki ang pasasalamat namin sa DSWD dahil pinagkatiwalaan nila kami ng asawa ko. Aalagaan namin itong ibinigay ng Gobyerno na tulong.” Pasasalamat ni Walter.

Unti-unti ay naipapayos nadin nila ang bahay na kanilang tinitirhan. Ang dating lupang sahig ay napasemento nadin nila. Maliban sa unti-unti nilang pagbangon ay nai-kwento din ni Walter na dahil magkakasama na sila bilang isang pamilya ay naging mas masigla at masayahin ang kanilang panganay. Habang ang kanilang bunso naman ay patuloy paring ginagalingan ang pag-aaral at nakakakuha ng matataas na marka sa iskwela.

“Natupad din ang hiling ni Ayesha. Hindi ko makakalimutan iyong sinabi niya sa akin noon na sana [isang araw] magkakasama na tayo Daddy, Mamang.” paglalahad ni Walter. #DSWD-CAR, Social Marketing Unit, Eden Faith S. Fataner