Sa mga kuwentong bayan, madalas mabanggit na may ginto sa dulo ng “rainbow” o bahaghari. Animo’y isang kayamanang pinapangarap mahanap matapos ang mahabang paglalakbay; isang gantimpalang tila naghihintay para sa sinumang hindi sumusuko, marating lang ang dulo, ang inaasam na tagumpay.

Sa buhay, may mga bagay na hinahangad o hinahabol ang tao: pangarap maging isang doctor, abogado, o maging magaling na atleta. Pwede ring pangarap na makapaglakbay o kumain sa isang restaurant, o kaya nama’y pangarap na magkaroon ng ligtas na tahanan at makasama ang mga minamahal sa buhay. Mga pangarap na kapag natupad ay animo’y nakamit ang ginto na nasa dulo ng “rainbow.” 

Ngunit sa walang tigil na paghahabol, may mga pagkakataong nakalilimutang lumingon at makita ang mga biyayang kasama na pala sa paglalakbay. Dahil maaaring ang tunay na ginto o kayamanan ay hindi naman naghihintay sa dulo. 

Ganito natutong tumingin sa buhay si Anita Budo, 67, mula sa Ampucao, Itogon, Benguet. Sa halip na habulin  ang mga bagay na wala pa, pinili niyang pahalagahan ang mga biyayang mayroon siya. 

 

Mga Kulay sa Gitna ng Unos

Hindi naging madali ang buhay para kay Anita. May mga panahong kailangang maging matatag at mapagtiis, lalo na kapag may mga pangyayaring biglaang nagbabago sa pang-araw-araw na buhay. Ngunit sa halip na hayaang matabunan ng mga pagsubok, pinipili niyang makita ang mga magagandang bagay na mayroon siya.

Apatnapu’t dalawang taon na ang nakalipas nang mawala ang kaniyang asawa dulot ng aksidente sa small-scale mining. Mula noon, kinailangan niya ng harapin ang buhay at pagpapalaki sa kanilang mga anak nang mag-isa.

Tatlo ang kanilang naging anak. Subalit, ang kanyang isang anak na babae ay pumanaw sa edad na 19 dahil sa sakit sa puso. Sa kasalukuyan, kasama niya sa bahay ang pamilya ng kanyang anak na lalaki. Isang pagsubok din ang inaalala ni Anita dahil ang pamilya ng isa pa niyang anak ay kabilang sa mga nawalan ng tahanan dahil sa bagyo at tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa kabila ng mga pagkawala at pagsubok na pinagdaanan ni Anita, hindi niya nagawang magreklamo. Sa halip, natutuhan niyang pahalagahan maging ang maliliit na bagay na nakatutulong upang maitawid ang araw-araw nilang pamumuhay na mag-iina.

Hindi mapili si Anita. Kapag may nagalok sa kanya para sa mga simpleng pagkakakitaan, maaring paglalabada o paglilinis ng bahay, o iba pang on-call na trabaho, handa siyang tanggapin at gawin ang mga ito.

“At least meron akong kinikita. May kakainin para magpatuloy sa buhay,” aniya. 

Natutunan ni Anita na basta may paraan upang maghanapbuhay, may pagkain sa hapag, at may mga taong handang tumulong, sapat na itong dahilan para magpatuloy. 

Ngunit nang dumating ang bagyo at matinding pag-ulan, isang bagong hamon ang kinailangan niyang harapin. Nagkaroon ng mga bitak sa kanilang bahay at nagsimulang lumubog ang ilang bahagi nito. Mula noon, nagbago ang pakiramdam ni Anita tuwing umuulan.

“May takot talaga kasi baka kapag tuloy-tuloy ang ulan, lumala ang crack,” kuwento niya.

Ayon sa kanya, makikita sa loob at labas ng bahay ang mga bakas ng pinsala. Ngunit sa halip na hayaang manaig ang pangamba, mas pinipili ni Anita na isipin kung ano ang maaari niyang gawin upang unti-unting maayos ang kanilang tahanan.

Isa sa mga naging kulay sa kanyang “rainbow” ang Cash Relief Assistance mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR) sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Nakatanggap siya ng P5,000.00 na inilaan niya para sa pagkukumpuni ng mga bitak sa kanilang bahay.

Ang AICS ay programa ng DSWD na tumutugon sa agarang pangangailangan ng mga indibidwal at pamilyang dumaranas ng krisis. Kabilang sa mga tulong nito ang Cash Relief Assistance, na natanggap ni Anita matapos masira ang kanilang tahanan dahil sa kalamidad.

Para sa iba, maaaring maliit lamang ang halagang ito kumpara sa kabuuang gastusin sa pagkukumpuni. Ngunit para kay Anita, malaking bagay na ang magkaroon ng panimulang panggastos upang matugunan ang isang pangangailangang hindi na maaaring ipagpaliban. Sa ganitong mga pagkakataon, mas nauunawaan ang tunay na kahulugan ng isang tulong. At minsan, sapat nang maibsan nito ang bigat ng isang araw at maiparamdam sa isang tao na may mga kamay na handang umalalay.

“Mabuti ang DSWD kasi mabilis ang inyong pagtulong. Pinuntahan nyo pa kami dito sa Itogon para ihatid ang ibibigay nyong relief assistance sa amin. Masaya dahil masisimulan na maiayos ang aming nasirang bahay,” lahad nya. 

 

Ang Kanyang “Rainbow”

Kung sa mga kuwentong-bayan ay ginto ang sinasabing naghihintay sa dulo ng bahaghari, iba naman ang natuklasan ni Anita sa kanyang paglalakbay.

Ang kanyang ginto ay maaaring nasa mga simpleng bagay na kung minsan ay hindi alintanang mahahalagang bagay tulad ng isang maayos at ligtas na tahanan, isang malusog at malakas na pangangatawan, o isang pamilya at komunidad na nagdadamayan, at panibagong araw para bumangon.

Tila hindi na kailangang habulin ni Anita ang bahaghari upang matagpuan ang kanyang kayamanan. Sa halip, natutuhan niyang masilayan ang mga kulay nito habang siya ay naglalakbay. Dahil ang buhay ay hindi naman palaging tungkol sa pagdating sa dulo. Minsan, mas mahalaga ang pagtingin sa mga bagay sa daan na nakikita habang tinatahak ito.

Nasa hapag.

Nasa tahanan.

Nasa mga taong nananatili.

At nasa pusong, kahit ilang ulit pang umulan, ay marunong pa ring tumingala.

At marahil, ito ang tunay na “rainbow” ni Anita pagkatapos ng bagyo: ang pusong marunong magpasalamat, ang mga biyayang kanyang pinapahalagahan, at ang pag-asang patuloy niyang pinipiling panghawakan.

Mula sa mga karanasan sa buhay ni Anita, natutunan niyang magpasalamat nang hindi naghihintay na maging perpekto ang buhay. Hindi nito hinihintay na matapos muna ang lahat ng problema bago makakita ng dahilan upang ngumiti. Sa halip, hinahanap nito ang liwanag kahit may bahid pa ng ulan sa paligid.

“Manalangin lang. Nagiging strong tayo dahil sa mga challenges.‘I will never leave you nor forsake you’ iyan ang sabi ng Panginoon,” aniya.

At habang ang mga kuwentong-bayan ay nagtuturo na hanapin ang ginto sa dulo ng bahaghari, itinuro naman ni Anita na maaaring hindi kailangang makarating sa dulo upang masabing pinagpala ang isang tao.

Dahil kung minsan, ang tunay na kayamanan ay ang mismong pagkakataong masilayan ang bahaghari, ang makitang may kulay pa rin ang buhay pagkatapos ng ulan, at ang pusong marunong magsabi ng salamat sa bawat kulay na mayroon ito, mga biyayang nagbigay kulay ng kanyang sariling bahaghari. At ito ang “rainbow” na pinagpapasalamat ni Anita. #DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO