Ang mga hamon dulot ng kakapusan sa buhay ay hindi naging hadlang kay Denzen Jade Besa-ang upang makamit ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo. Sa halip, ito ang kaniyang inspirasyon upang lalo magsikap at magpatuloy sa pag-aaral.
Si Denzen, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ay nagtapos ng cum laude sa kursong Bachelor of Physical Education sa Benguet State University. Ang kaniyang tagumpay ay bunga ng sipag, tiyaga, sakripisyo, at determinasyon makatulong at maiangat ang kaniyang pamilya.
Hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay bilang estudyante. Bukod sa pagharap sa mga akademikong hamon at gastusin sa pag-aaral, kinailangan din niyang magtrabaho tuwing walang klase upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya at mabawasan ang kanilang pinansiyal na pasanin. Bagama’t nakakapagod ang pagsabayin ang trabaho at pag-aaral, nanatili siyang determinado na makapagtapos.
Bilang panganay, naging malaking bahagi ng kaniyang inspirasyon ang kaniyang pamilya. Hangad niyang makatulong sa kaniyang mga magulang at maging magandang halimbawa sa kaniyang mga nakababatang kapatid. Para kay Denzen, ang kaniyang pag-aaral ay hindi lamang para sa kaniyang sariling kinabukasan, kundi para rin sa pamilyang patuloy na nagsisilbing kaniyang sandigan sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap.
Malaki rin ang naging bahagi ng 4Ps sa kaniyang paglalakbay bilang estudyante. Sa pamamagitan ng educational assistance ng programa, nakatulong ito sa pagtugon sa ilan sa mga gastusin sa kaniyang pag-aaral at nakatulong upang maipagpatuloy niya ang kaniyang edukasyon sa kabila ng limitadong kakayahang pinansiyal ng kanilang pamilya. Sa kaniyang pagtatapos, hindi lamang karangalang cum laude ang kaniyang dala, kundi pati ang mahahalagang aral, karanasan, at pagpapahalagang nabuo sa kaniyang paglalakbay.
Sa kasalukuyan, habang naghahanda si Denzen para sa panibagong yugto ng kaniyang buhay, hangad niyang magamit ang kaniyang mga natutunan upang makatulong sa kaniyang pamilya at makapaglingkod sa kaniyang komunidad. Sa kaniyang paglalakbay, naging mahalagang katuwang ang 4Ps sa pagbibigay ng suporta na nakatulong sa pagpapatuloy ng kaniyang pag-aaral.
Mula sa pagtatrabaho tuwing walang klase hanggang sa pagkamit ng Latin honor, bawat hakbang ni Denzen ay hinubog ng sipag, sakripisyo, at determinasyon. Sa likod ng kaniyang karangalang cum laude ay isang anak na nagsikap hindi lamang para sa sarili, kundi higit sa lahat, para sa kaniyang pamilya. Ang kaniyang kuwento ay patunay na ang isang pangarap, kapag sinabayan ng pagsisikap, tiyaga, determinasyon, suporta ng pamilya, at mga oportunidad tulad ng 4Ps, ay maaaring maging daan tungo sa mas magandang kinabukasan.//#DSWD-CAR, Social Marketing Unit, Dauden B. Moises



