Sa Ampucao, Itogon, karamiha’y may payak na pamumuhay — mga umagang abala sa gawaing-bahay, mga batang naglalaro sa paligid, at mga pamilyang abala sa paghahanapbuhay para sa araw-araw. Sa simpleng pamumuhay na ito, sanay ang mga tao na pagkasyahin kung anong mayroon at maghanap ng paraan upang maging magaan ang bawat araw.
Sa isang pamilyang kailangang pagkasyahin ang kita sa pangangailangan ng maliliit na anak, at araw-araw na gastusin, bawat halaga ay may katumbas na desisyon na kailangang pag-isipan. Ganito ang realidad na kinakaharap ni Ruth Jose at ng kanyang pamilya, na patuloy na nagsusumikap mabuhay ng may dignidad sa kanilang sipag at pagtitiyaga.
Truck driver ang kanyang asawa at siya naman ay full-time mom sa kanilang tatlong mga babaeng anak. Kapag kapos ang kita, naghahanap ang kanyang asawa ng dagdag trabaho bilang mekaniko. Bilang katuwang, Si Ruth ay nag-iisip ng mga paraan upang makatulong, gaya ng pagtatanim ng gulay at pag online selling. Ayon sa kanya, ang bawat pagkakakitaan ay malaking tulong sa hapag ng kanilang pamilya.
“Kailangan ko rin pong mag-isip ng mga puwedeng makatulong sa finances namin. Hindi puwedeng umasa lang sa sweldo ng asawa ko kasi minsan kulang talaga. Kaya po nagtatanim ako ng mga gulay sa bakuran namin, makakain na namin, bawas gastos na. Tapos kung may sobra, puwede pang ibenta,” kwento ni Ruth.
Sa gitna ng kanyang pagsisikap, naging dagdag-sandalan para kay Ruth ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance mula sa DSWD Field Office Cordillera Administrative Region. Ang natanggap na tulong ay para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, partikular sa pagkain at ibang gastusin sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
“Malaking tulong po ito sa amin para sa pang-araw-araw namin na pamumuhay. Maraming salamat po sa UPLIFT Assistance,” aniya.
Para sa isang pamilyang kapos ang kinikita, ang tulong na natanggap ni Ruth ay nagbigay ng kaunting luwag sa isang ina na patuloy na naghahanap ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga anak.
Nagpapasalamat din si Ruth sa paraan ng paghahatid ng assistance na inilapit mismo sa kanilang barangay ang UPLIFT payout. Sa pakikipag-ugnayan ng SWAD Benguet at Local Government Unit (LGU) ng Itogon, isinagawa ang distribution sa barangay upang mas mabilis na maihatid ang tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng hindi na nila kailangan pang bumiyahe patungo sa SWAD Office,La Trinidad Benguet. Dahil dito, nangangahulugan din na mas kaunting gastos at abala para sa kanilang mga pamilya.
“Maayos po ang paraan ng pag-release ng tulong. Na-appreciate po namin ang serbisyo nyo lalo po sa ginawa nyong mailapit ang payout dito sa barangay namin,” pagbabahagi niya.
Ang P2,000.00 na natanggap ni Ruth ay bahagi ng ikalawang tranche ng UPLIFT Assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Makakatanggap din siya ng P2,000.00 bawat buwan sa pamamagitan ng digital payout hanggang Disyembre 2026. Sa kabuuan, aabot ng P12,000.00 ang UPLIFT assistance para sa kanyang pamilya.
Naging benepisyaryo ng UPLIFT si Ruth sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) survey ng Philippine Statistics AUthority (PSA). Kabilang siya sa Group 2 ng UPLIFT Assistance, na binubuo ng mga kwalipikadong poor at near-poor households batay sa assessment ng 2024 CBMS data.
Maaaring hindi kayang burahin ng isang tulong ang lahat ng pagsubok ng isang pamilya. Ngunit para kay Ruth, maaari itong maging sandalan habang sila ay nagsisikap, natututo, at naghahanap ng mga bagong posibilidad.
Bilang ina, dala niya ang pangarap na balang araw ay magkaroon sila ng mas matatag na pagkakakitaan. Maaaring magsimula ito sa ilang punla ng gulay, isang maliit na online selling, o anumang kasanayang maaari niyang matutunan at gawing dagdag na kita.
“Basta may tiyaga at mahabang pasensya, may paraan po para magkaroon ng pambuhay sa pamilya. Kailangan lang talagang mag-isip ng mga paraan at huwag sumuko,” sabi ni Ruth.
Isang bagay ang malinaw kay Ruth: hindi man sagana sa buhay, hindi siya mauubusan ng paraan para sa kanyang pamilya. Sa kanyang mga kamay, ang sipag ay nagiging paraan upang makaraos; ang tiyaga ay nagiging lakas upang magpatuloy; at ang pag-asa ang nagtutulak sa kanya na humanap pa ng mga pagkakataon.
Dahil para kay Ruth, ang pag-asa ay hindi hinihintay, ito ay pinagsisikapan. Sa bawat pagtitipid at bawat paraan na kanyang hinahanap upang makatulong sa pamilya, patuloy siyang sumusulong.
Ito ang UPLIFTing story ni Ruth, isang kuwento ng sipag, tiyaga, at pag-asa na sa kabila ng mga hamon, patuloy na naghahanap ng paraan upang makaahon at guminhawa ang buhay. #DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO



