Sa mundong tila pinatatakbo ng Artificial Intelligence o AI at social media, isang scroll lang, agad makakikita na ng napakaraming kuwento, mga larawang mukhang perpekto, mga video na mahirap nang ibukod sa katotohanan o likha lamang ng teknolohiya.
Sa kabila ng mga ito, may mga bagay pa ring kailanman ay hindi magagawang kopyahin o i-generate ng AI. Ito ang totoong buhay, ang mga kuwento ng pamilyang humaharap sa hamon ng buhay, ang mga ordinaryo.
Isa rito ang kuwento ni Jeany Perlas Saballero, 32, mula sa Barangay Pangtud, Pidigan, Abra, na napabilang sa mga Group 2 benepisyaryo ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance ng Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR).
“Maganda po ang desisyon ng Pangulo na tulungan ang mga tao para pandagdag namin sa mga gastusin sa hirap ng buhay,” aniya.
Para kay Jeany, ang halagang ito ay hindi lamang isang numero sa papel. Halos isang oras ang kaniyang biyahe mula sa kanilang lugar patungong Bangued para sa payout. Pero hindi niya ito alintana, alang-alang sa kanyang pamilya.
Isang housewife si Jeany at kasalukuyang naghahanap ng trabaho. Mayroon siyang limang anak — tatlong lalaki at dalawang babae— na edad labingtatlo (13), walo (8), anim (6), apat (4), at tatlong (3) buwan.
Ayon sa kanya, sa isang pamilyang may limang anak, hindi nauubusan ang gastusin. Kaya malinaw sa kaniya kung saan mapupunta ang natanggap na UPLIFT Assistance.
“Nagpapasalamat ako kasi kahit papaano, nakatutulong sa pamilya itong assistance ng DSWD. Salamat sa mga Social Worker na tumulong sa akin noong payout. Pambili ng gamot sa anak ko na sira ang ngipin at pambili ng grocery at iba pang pangangailangan namin,” masayang saad ni Jeany.
Hindi man nito kayang sagutin ang lahat ng pangangailangan ng pamilya, malaking bagay pa rin para sa kaniya ang pagkakaroon ng pandagdag.
Ang UPLIFT Group 2 ay binubuo ng mga kwalipikadong low-income households na fnakatanggap ng paunang P2,000.00 noong manual payout at bawat buwang tig-P2,000.00 hanggang Disyembre 2026 sa pamamagitan ng UPLIFT G2P (Government-to-Person) digital payout sa kanilang rehistradong e-wallet.
Ang UPLIFT Assistance ay isang initiative ng gobyerno na naglalayong magbigay ng suporta sa mga kwalipikadong pamilyang nangangailangan upang makatulong na maibsan ang epekto ng mataas na gastusin at makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Hindi nag-apply si Jeany para sa UPLIFT Assistance. Sa katunayan, may mga nagtatanong pa sa kaniya kung siya ba mismo ang nag-apply upang makatanggap ng tulong.
Ang mga benepisyaryo ng Group 2 ay tinukoy gamit ang datos mula sa Community-Based Monitoring System (CBMS), isang sistema ng pangangalap at pagproseso ng impormasyon tungkol sa kalagayan ng mga pamilya at komunidad. Sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng mas malinaw na datos tungkol sa mga pangangailangan at kalagayan ng mga mamamayan na maaaring maging batayan sa pagpaplano at paghahatid ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Dito naalala ni Jeany ang isang mahalagang bahagi ng proseso — ang census o pangangalap ng impormasyon sa kanilang lugar.
“Sana noong may nag-census, pinapasok nila at sumagot sa mga tanong para malaman kung anong appropriate na assistance ang maibibigay ng gobyerno sa atin,” kuwento niya.
Para kay Jeany, mahalagang seryosohin ang ganitong pangangalap ng impormasyon dahil maaari itong makatulong upang mas maunawaan ng pamahalaan ang tunay na kalagayan ng mga pamilya at matukoy kung anong tulong ang maaaring angkop sa kanila. Ang impormasyong nakalap sa CBMS ang naging bahagi ng batayan upang mapabilang siya sa payout.
Sa likod ng magaan na pakikitungo ni Jeany ay may mga pinagdaanan din siyang hindi madaling kalimutan. Sa kaniyang ikatlong panganganak, nakaranas siya ng postpartum period. Kapag may problema, lalo na kapag pera ang pinag-uusapan, aminado siyang minsan o madalas ay umiinit ang kaniyang ulo. Pero natutunan niyang huwag hayaang lamunin ng problema.
“Chill lang dapat. Kapag inisip mo lalo, lalo ka lang made-depress,” saad niya.
Kaya kapag mabigat daw ang pakiramdam niya, gumagawa siya ng paraan. Humihinto siya sa paggawa sa bahay at nagpapahinga o nakikipagkuwentuhan sa kanilang kapitbahay o sa kanyang mga kapatid. Madalas din siyang kumanta na nakapagpapasaya sa kanya.
Lima silang magkakapatid— isang lalaki at apat na babae. Malaki rin ang kanilang pamilya habang siya ay lumalaki, ngunit masaya ang kanilang pagsasama. Ngayon, siya naman ang bumubuo ng sariling tahanan kasama ang limang anak. Sa paglipas ng panahon, mula sa pagiging bahagi ng isang malaking pamilya, ngayon nam’y isa na siyang ina, na may sarili ring mga anak at may mga responsibilidad na kailangang harapin. Kaya’t bawat desisyon ay nakatuon sa kapakanan ng kaniyang pamilya.
Gayunpaman, bawat araw na kaniyang hinaharap, dala ni Jeany ang mga simpleng bagay na nagbibigay sa kaniya ng lakas — ang boses ng kaniyang mga anak, ang samahan ng pamilya, at ang pag-asang balang araw ay magiging mas magaan ang kanilang buhay. Hindi man palaging madali ang kaniyang kalagayan, pinipili niyang harapin ito nang may positibong pananaw. Sa kaniyang paraan ng pamumuhay, makikita na ang pag-asa ay hindi lamang naghihintay sa malaking pagbabago; nagsisimula ito sa maliliit na bagay na nagbibigay ng dahilan upang ngumiti at mangarap. At marahil, ito ang tunay na kahulugan ng kaniyang UPLIFTing Story.
Dahil sa mundong hindi na minsan alam kung alin ang totoo, may mga bagay na hindi kayang gawin ng AI — ang tunay na pag-aalala, tunay na pasasalamat, at tunay na ginhawang nararamdaman kapag alam mong may tumulong at may nagmamalasakit. Hindi kayang lumikha ng anumang teknolohiya ng mainit na yakap ng isang magulang sa kaniyang mga anak, ang tapang na bumangon sa kabila ng mga pagsubok, o ang pag-asang pinipiling panghawakan sa bawat araw.
Sapagkat sa likod ng bawat datos, pangalan, at numerong nakatala sa isang listahan ay isang tunay na buhay na may sariling kuwento. At sa kuwento ni Jeany, ang UPLIFT Assistance ay hindi lamang tungkol sa halagang natanggap. Ito ay tungkol sa pagkakataong maramdaman niyang may sumuporta sa kaniyang pangangailangan, may nakinig sa kaniyang kuwento, at may handang umalalay habang inaabot ang mas magaan na bukas.
At sa huli, sa mundong ginagalawan ng AI, ang tunay na UPLIFTing Story ay kuwento ng pag-asang muling nabigyan ng puwang at pagmamalasakit sa bawat beneficiary katulad ni Jeany na sa kabila ng lahat, patuloy na pipiliing mangarap at magpatuloy para iahon ang buhay. #DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO



