Sa tuwing dumarating ang bagyo, madalas nakikita o nararamdaman ang isang kaugaliang matagal nang nakaugat sa kulturang Pilipino — ang pagdadamayan. Sa gitna ng malakas na ulan, pagguho ng lupa, at pangambang dulot ng kalamidad, hindi lamang kanya-kanyang pag-iingat ang nangingibabaw. May mga kapitbahay na nagbababala, barangay na agad kumikilos, at mga ahensiya ng pamahalaang umaagapay upang matiyak na walang pamilyang maiiwan sa oras ng pangangailangan.
Ganito ang naranasan ni Brenson Andiso ng Barangay Paoay, Atok, Benguet, nang ang Habagat ay magdala ng panganib sa kanilang tahanan. Sa lugar na karaniwang payapa at abala sa pagsasaka, biglang naging dahilan ng pangamba ang paggalaw ng lupa sa ibabang bahagi ng kanilang bahay. Mabuti na lamang at may kagawad na nakapansin sa panganib at agad silang pina-evacuate ng kanyang asawa.
“Nakapag-evacuate na kami ng asawa ko dahil may kagawad na nakakita. Nakatatakot na iyong lupa,” kuwento ni Brenson.
Pansamantala silang nanuluyan sa isang transient habang patuloy na minomonitor ang kanilang lugar. Bahagyang naapektuhan ng landslide ang ibabang bahagi ng kanilang bahay.
Sa katunayan, anila, bago ang bagyo, pinapagawa nila ang kanilang dalawang palapag na tahanan— isang pangarap na unti-unti nilang binubuo. Hindi nila inasahang na sa kalagitnaan ng kanilang pagpapagawa ng kanilang pangarap na bahay ay kailangan nilang lumikas upang unahin ang kanilang kaligtasan.
“Kakabalik lang namin. Natulog na kami sa bahay kagabi, pero may takot pa rin,” ani Brenson.
Sa kabila nito, hindi sila pinabayaan ng kanilang komunidad. Ang mabilis na pagresponde ng barangay, ang pagbabantay sa kondisyon ng lupa, at ang pakikipag-ugnayan sa mga apektadong pamilya ay naging mahalagang bahagi ng kanilang kaligtasan. Sa ganitong sitwasyon, nagiging buhay ang diwa ng bayanihan, ang simpleng pag-alalay, pagbibigay ng babala, at pagdamay na malaking tulong sa isang pamilyang dumaraan ng krisis.
Kasabay ng pagtugon ng komunidad, patuloy ding kumikilos ang Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR), sa pamamagitan ng Disaster Response and Management Division (DRMD), upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng Habagat. Kabilang dito ang tuloy-tuloy na paghahanda at paghahatid ng Family Food Packs (FFPs) at iba pang relief supplies, gayundin ang cash relief assistance para sa mga pamilyang napinsala ng bagyo ang kanilang tirahan at nangangailangan ng agarang suporta.
Kabilang si Brenson sa mga nakatanggap ng P5,000.00 cash relief assistance mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng DSWD para sa bahagyang pagkasira ng kanilang bahay.
Para kay Brenson at kanyang asawa, malaking tulong ang halagang natanggap nila. Gagamitin nila ito bilang pandagdag sa pambili ng semento upang maayos ang nasirang bahagi ng kanilang tahanan.
Maaaring maliit ito kumpara sa kabuuang gastos sa pagpapagawa ng kanilang bahay, ngunit para sa isang pamilyang patuloy na nag-iipon at nagsusumikap sa pamamagitan ng pagsasaka, bawat tulong ay may katumbas na pagkakataong makapagsimulang muli. Hindi lamang pera ang dumating sa panahon ng kanilang pangangailangan. Kasabay nito ang mensaheng hindi sila nag-iisa.
Sa bawat pamilyang kailangang lumikas, bawat bahay na bahagyang nasisira, at bawat komunidad na kailangang magsimulang muli matapos ang bagyo, mahalaga ang maagap na pagtugon. Kaya patuloy ang DSWD FO CAR sa pagmomonitor at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang upang matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya at maihatid ang tulong sa lalong madaling panahon. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na relief operations, kabilang ang paghahatid ng FFPs at cash relief assistance, sinisikap ng departamento na maging mabilis at abot-kamay ang suporta sa mga pamilyang nangangailangan.
Para kay Brenson, nagsisimula pa lamang ang kanilang pagbangon. Patuloy nilang oobserbahan ang lupa bago tuluyang ipagpatuloy ang pagsasaayos ng bahay. Kasabay nito, babalik din siya sa kanyang mga tanimang siyang pinagkukunan nila ng kabuhayan.
“Salamat sa tulong ng DSWD. Uumpisahan na namin ang pagsasaayos ng bahay,” aniya.
Ang kuwento ni Brenson ay maaaring maging pamilyar sa maraming pamilyang Pilipino na nakaranas ng bagyo: ang biglang paglikas, ang gabing hindi komportable sa pansamantalang tirahan, ang pag-aalalang baka tuluyang masira ang tahanan, at ang unti-unting pagbabalik sa normal kahit may pangamba pa rin.
Sa Atok, Benguet, kung saan ang tuloy-tuloy na pag-ulan ay maaaring magpalala ng panganib ng pagguho ng lupa, ang bawat oras ay mahalaga. Ang mabilis na pagresponde ng mga disaster response team ay hindi lamang tungkol sa paghahatid ng relief; ito ay tungkol sa pag-abot sa mga pamilyang nasa gitna ng pangamba bago pa lumalim ang kanilang krisis. Sa pamamagitan ng maagap na assessment, koordinasyon at paghahatid ng tulong, mas nararamdaman ng mga apektadong pamilya na may katuwang sila sa kanilang pagbangon.
Sa ganitong paraan nagkakaroon ng tunay na kahulugan ang mabilis na pagtugon ng DSWD FO CAR: hindi nito agad binubura ang pinsala ng isang kalamidad, ngunit binabawasan nito ang bigat na pasan ng isang pamilyang nagsisikap bumangon.
Sapagkat sa bawat tahanang nayanig ng landslide, may pamilyang nangangarap na makabalik. Sa bawat pamilyang lumikas, may kuwentong naghihintay na maipagpatuloy. At sa bawat tulong na dumarating sa tamang oras, may bagong lakas upang magsimulang muli.
Sa kuwento ni Brenson, muling nasasalamin ang likas na katatagan ng mga Pilipino — ang kakayahang harapin ang unos, bumangon mula sa pinsala, at magpatuloy kahit may pangamba pa ring nadarama. Hindi man kayang pigilan ang pagdating ng bagyo o pagguho ng lupa, ngunit pinipiling manatiling matatag at magsimulang muli.
Higit sa lahat, ipinakita ng kanyang karanasan na mas nagiging magaan ang pagharap sa sakuna kapag may pagdadamayan. Mula sa barangay na agad nagbabala at umalalay sa kanilang paglikas, hanggang sa mga responder at DSWD FO CAR sa pamamagitan ng SWAD Benguet na naghatid ng agarang tulong, naging sandigan ni Brenson at ng kanyang asawa ang isang komunidad na hindi nang-iwan sa gitna ng kalamidad.
Dahil sa kulturang bayanihan, ang isang pamilyang nawalan ng kapanatagan ay muling nagkakaroon ng lakas na humarap sa bukas. Sa bawat unos na dumarating, maaaring may mga bagay na nasira, ngunit kapag may bayanihan at matatag na puso, laging may dahilan upang bumangon. # DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO



