Habang tinatanaw ni Lola Rosita Totanes ang kabundukan ng Barangay Cabitin, Mankayan, Benguet, hindi na niya kayang bilangin gamit ang kanyang mga daliri ang dami ng alaalang itinago ng panahon. Ngunit kailanman ay hindi mabubura sa kanyang isip ang bigat ng palangganang dinala niya sa kanyang ulo sa loob ng maraming taon.

Dala-dala niya ang sari-saring klase ng gulay tulad ng kalabasa, petchay, mais at iba pa na bunga ng ilang buwang pagtatanim. Minsan pa nga ay hindi niya na alam ang kanyang bitbit na mga paninda; ang mahalaga ay mabenta ang mga ani upang may maiuwing pangkain para sa pamilya.

Noon, wala pang kalsadang papasok sa kanilang barangay. Kasama ang kanyang asawa at iba pang magsasaka, naglalakad nang tatlo hanggang apat na oras bago marating ang bayan, bitbit ang pagod at pag-asang sana ay may bumili at maubos ang kanilang paninda.

Minsan, ay nagpapagabi si Lola Rosita sa pag uwi sa hangaring mapaubos niya ang lahat ng gulay na dala niya sapagkat ang bawat bungkos na nabebenta niya ay katumbas ng kaunting ginhawa.

“Permi ti ragsak ko no maibus diyay apan ko in market (sobrang saya ko kapag nauubos ang paninda ko),” nakangiting kuwento ni Lola Rosita. “Ta maka gatang ak met ti tinapay dagijay da ubbing pati iti asin, asukal, kape ken mantika nga kasapulan iti kusina (ibig sabihin, makakabili ako ng tinapay para sa mga anak ko pati na din ng asin, asukal, kape at mantika na gagamitin sa kusina)”.

Simple lamang ang kanilang pangarap noon, iyon ay may maihain sa hapagkainan at may pang-tawid pa sa susunod na araw.

Taong 1978 nang magkaroon ng daan patungo sa kanilang barangay. Unti-unti nitong napagaan ang kanilang paglalakbay at nagbigay ng mas malaking pagkakataong mabenta ang kanilang mga tanim na gulay. Gayunpaman, nanatiling hamon ang kahirapan, lalo na sa mga panahong wala ng lakas ang katawan upang magbanat ng buto.

Ngunit sa dapit hapon ng kanyang buhay, dumating ang isa pang biyaya kung kanilang ituring. Noong 2011, isa si Lola Rosita sa mga kauna-unahang benepisyaryo ng Social Pension Program (SPP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang barangay. Hindi man nito binura ang lahat ng hirap na kanyang pinagdaanan, naging sandigan ito sa panahong hindi na niya kayang maghanapbuhay.

Sa kasalukuyan, kasama niyang naninirahan sa bahay ang kanyang anak. Ang kanyang natatanggap na buwanang tulong sa social pension kada tatlong buwan ang siyang katuwang niya upang tuloy-tuloy ang pagbili ng kanyang maintenance medicine para sa High Blood at ang paborito niyang gatas na para sa kanya ay mahalaga upang mapanatili ang lakas ng kanyang mga buto sa edad niyang walumpu’t anim na taon (86). Sa kanyang edad, hindi na niya hinahangad ang marangyang buhay.

Minsan kapag may natitira pa ay nagagawa niyang mag-abot ng kaunting tulong sa pag-aaral ng kanyang mga apo. Sapagkat naniniwala si Lola Rosita na ang edukasyon ang pamanang kailanma’y hindi mawawala.

“Haan ko man nga naidawat dagita amin nga kayat ko para kadagiti anak ko, ngem maragsakan nak ta mabalin ko nga ited kadagiti apok (Hindi ko man naibigay noon ang lahat ng gusto ko para sa mga anak ko, masaya ako na kahit papaano ay may naiaambag ako ngayon pero sa mga apo ko),” aniya.

Agpaspasalamat nak unay unay iti DSWD ken iti Social Pension Program. Nagdakkel nga tulong na daytoy kanyami nga bumaket ken lumakay. Dakkel nga lung-aw iti inaldaw nga panagbiyag mi (Lubos akong nagpapasalamat sa DSWD at sa Social Pension Program. Napakalaking tulong nito sa aming mga matatanda. Malaking ginhawa ito sa aming pang araw-araw na pangangailangan)”, ani ni Lola Rosita.

Sa bawat hakbang na minsan niyang inilaan upang maitaguyod ang kanyang pamilya, dala niya ang kwento ng isang henerasyon na hindi sumuko sa kabila ng hirap. At ngayon, sa dapithapon ng kanyang buhay, ang pag-asang matagal niyang hinangad ay hindi na lamang nakasalalay sa kanyang lakas. Kasama na niya rito ang malasakit ng isang programang kumikilala sa kanyang mga taon ng pagsisikap at sa dignidad na nararapat niyang matamasa.# DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, Hazel Ann D. Buy-o