Sa isang hardin sa Alno, La Trinidad, Benguet, hindi lamang mga rosas at iba’t ibang halaman ang inaalagaan ni Joseph Alvarez, 55. Sa bawat punla at bagong usbong na halaman, may kasamang pag-asang may maipangtustos siya sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya.
Para kay Joseph, ang paghahalaman ay higit pa sa simpleng pag-aalaga ng mga halaman. Ito ang kanyang pinagkukunan ng kita at paraan upang makatulong sa kanyang pamilya. Ngunit sa likod ng mga bulaklak na unti-unting namumukadkad ay ang mga hamong kailangang harapin ng isang simpleng naghahanapbuhay, mula sa puhunan hanggang sa gastusin para sa kanyang hardin.
“Medyo mahirap kung walang pambili ng abono at pang-spray ng halaman. Kailangan talaga ng puhunan,” kuwento ni Joseph.
Dagdag pa niya na kapag kulang ang fertilizer, maaaring maapektuhan ang paglago ng mga halaman, habang kailangan naman ng regular na pag-spray upang mapangalagaan ang mga ito. Lalo itong nagiging hamon ngayong tag-ulan. Mas kailangan ng kanyang mga halaman ang maingat at regular na pag-aalaga upang manatiling malago at maibenta.
Bukod dito, hindi rin palaging sapat ang kinikita niya mula sa pagbebenta ng mga bulaklak. May mga pagkakataong mas mataas pa ang kanyang ginagastos sa pagbili ng cuttings at fertilizer kaysa sa presyong kanyang nakukuha sa pagbebenta.
“Nabibitin ang kita kasi mababa ang presyo kapag binibenta. Minsan mas mahal ang puhunan at abono kaysa sa napagbibilhan, kaya medyo lugi,” ani Joseph.
Sa ganitong kalagayan, bawat dagdag na puhunan ay mahalaga. Kaya nang matanggap ni Joseph ang tulong mula sa Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance ng Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera Administrative Region (DSWD FO CAR), nakita niya ito bilang dagdag na suporta upang mairaos ang pangangailangan ng kanyang pamilya at maipagpatuloy ang kanyang kabuhayan.
Ang UPLIFT Assistance ay isang inisyatiba ng pamahalaan na naglalayong magbigay ng karagdagang suporta sa mga kwalipikadong pamilyang nangangailangan. Layunin nitong mapalakas ang purchasing power o kakayahang bumili ng mga benepisyaryo, upang mas matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan habang nabibigyan din sila ng dagdag na kakayahang suportahan at ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.
Para kay Joseph, may paglalaanan ang inisyal na P2,000.00 na kanyang natanggap noong manual payout, maging ang matatanggap pang tig-P2,000.00 buwan-buwan mula Agosto hanggang Disyembre 2026 sa pamamagitan ng digital payout sa kanyang rehistradong e-wallet. Una niyang prayoridad ang pandagdag sa pambili ng pagkain at pangangailangan ng kanyang mga anak, at sumunod ang mga kailangan sa kanyang hardin.
Sa halagang natanggap at matatanggap pa, aniya, nabigyan siya ng pagkakataong mapanatiling buhay ang isang kabuhayang araw-araw niyang pinagsisikapan.
Hindi man kayang alisin ng UPLIFT Assistance ang lahat ng hamon na kinakaharap niya, nakatutulong ito upang mabawasan ang bigat ng kanyang mga gastusin at mabigyan siya ng dagdag na kakayahang magpatuloy. Sa isang kabuhayang nakadepende sa panahon, presyo sa merkado, at patuloy na puhunan, ang ganitong suporta ay naging mahalagang tulay sa pagpapatuloy ng kanyang hanapbuhay.
“Malaking tulong po ang UPLIFT Assistance sa katulad kong naghahanapbuhay sa paghahalaman. Maraming salamat po DSWD sa tulong,” pasasalamat ni Joseph.
Ayon sa kanya, natutuhan niyang walang bulaklak na namumukadkad sa isang iglap. Kailangan itong alagaan, pagtiyagaan, at bigyan ng sapat na panahon upang lumago. Ganoon din ang kanyang kabuhayan, unti-unting pinapalago sa kabila ng mga hamon ng dagdag na gastusin at pabago-bagong panahon.
At sa pamamagitan ng kuwento niya, ang tulong na ibinigay kapag napunta sa kamay ng isang taong handang magsikap ay maaaring maging binhing tutubo bilang bagong pag-asa.
Para kay Joseph, ito ang tunay na kahulugan ng UPLIFT Assistance — isang tulong na hindi lamang nagbibigay ng dagdag na kakayahang tugunan sa pang-araw-araw na pangangailangan, kundi nagbibigay din ng lakas upang magpatuloy at magsumikap para sa pamilya.
Ito ang kanyang UPLIFTing story: isang kuwento ng sipag at tiyaga. Sapagkat sa kanyang hardin, bawat usbong ay may pangakong mamukadkad para maipagpatuloy ang kabuhayan, mapangalagaan ang pamilya, at muling magtanim ng pag-asa. # DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO



