Sa araw-araw na pagtakbo ng mga taxi sa mga lansangan ng Baguio City, may mga kuwento ng buhay na kasabay na umaandar, mga kuwento ng tiyaga, sakripisyo, at walang sawang pagsusumikap para sa pamilya. Isa rito ang kuwento ni Carlos Costes, 53 taong gulang at residente ng Camp 8, Kennon Road, Baguio City, na sa loob ng halos tatlong dekada ay patuloy na bumibiyahe hindi lamang sa mga kalsada kung hindi maging sa mga hamon ng buhay.
“Talagang gusto ko ang pagiging driver. Kapag humihinto akong mag-drive, hahanapin na ng katawan ko,” aniya.
Mula noong 1997, mahigit 29 taon na niyang hinaharap ang buhay sa likod ng manibela. Hindi naging madali ang pagsisimula ng kanyang paglalakbay bilang driver. Kinailangan niyang umutang sa kanyang mga tiyahin upang magkaroon ng taxi at magkaroon ng matatag na hanapbuhay para sa kanyang pamilya. Sa kanyang mahabang panahon sa kalsada, naranasan niya ang mga hamon ng pandemya, bagyo, at ang kasalukuyang sitwasyon ng kanilang sektor, ang pagtaas ng presyo ng krudo. Ngunit, bilang haligi ng kanilang tahanan, araw-araw niyang pinipiling magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok sa buhay.
Sa gitna ng mga patuloy na hamon sa kabuhayan, naging karagdagang tulong para kay Carlos ang natanggap na Cash Relief Assistance (CRA) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program ng DSWD Field Office Cordillera Administrative Region (FO CAR). Ang PhP 5,000.00 na assistance ay nagsilbing pandagdag sa pang-araw-araw na gastusin at mga pangangailangan sa kanilang bahay.
“Talaga pong malaking tulong ito sa aming mga namamasada dahil sa pagbibigay din nito ng ginhawa at pag-asa sa gitna ng mabigat na responsibilidad namin bilang pangunahing naghahanapbuhay para sa aming pamilya,” saad niya.
Sa mahabang panahon ng kanyang pagiging driver, marami na rin siyang natutunang aral, hindi lamang tungkol sa pagmamaneho kundi maging sa pakikitungo sa kapwa at pagharap sa buhay. Naniniwala siyang mahalaga ang pagiging maingat at mahinahon sa anumang sitwasyon.
“Patience talaga. Dahil kapag mainit ang ulo mo, mapapaaway ka sa kalsada. Iyong nakabangga sa iyo, siya pa ang galit, pero mag-usap lang kayo. Kalma lang talaga. Nakukuha iyan sa maayos na usapan,” kuwento niya tungkol sa kanyang mga naging karanasan sa pamamasada.
Sa kabila ng mga pagsubok, dala pa rin ni Carlos ang simpleng pananaw na nagpapatatag sa kanya.
“Sa buhay ko ngayon bilang isang driver, just go on, be happy. Mahirap man tayo, hindi dapat issue ang pera. At payo ko, huwag masyadong magastos. Mag-ipon po tayo para makabili ng kailangan natin sa buhay. Ako po malaking bagay na nabayaran ko na po ang taxi ko. Sariling taxi ko na po ito,” masayang pagbabahagi ni Carlos.
Patuloy ang biyahe ni Carlos, sa bawat pasada, sa bawat hamon, at sa bawat pangarap para sa kanyang pamilya. At sa mga panahong nagiging mabigat ang dalang responsibilidad, ang mga programang tulad ng AICS Cash Relief Assistance ng DSWD ay nagsisilbing katuwang ng mga indibidwal na patuloy na nagsusumikap sa buhay kagaya niya.
Sapagkat, sa likod ng bawat manibela ay may isang Carlos na araw-araw na pinipiling magpatuloy, at andiyan ang gobyernong handang umalalay sa kanyang paglalakbay. # DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO



