Bago pa man sumikat ang sinag ng araw, nagigising na si Lolo Francisco sa sariwang simoy ng hangin na dumadampi sa kanyang pisngi habang tinatanaw ang malawak na kabundukan ng Barangay Baliwanan, Kabugao, Apayao.
Bilang isa sa mga liblib na komunidad ng Kabugao, Apayao, kinakailangan pang tahakin ang ilog, mabatong daan at matarik na kabundukan na umaabot sa dalawa at kalahating oras bago marating ang barangay. Sa kabila ng layo nito ay naroon ang mga kwento ng mga mamamayan na patuloy na lumalaban sa hamon ng buhay.
Isa sa kanila ay si Lolo Francisco, animnapu’t anim na taong gulang na isa sa nakatatandang mamamayan at benepisyaryo ng Social Pension Program (SPP) ng Department of Social Welfare and Development Field Office Cordillera (DSWD FO CAR). Sa kanyang simpleng tahanan ay kasama niyang namumuhay ang kanyang asawang matagal na ring nakaratay sa higaan. Biniyayaan sila ng apat na anak na mga lalaki, na piniling huminto sa kanilang pag-aaral upang tumulong sa bukirin para sa pang araw-araw nilang pangangailangan at gastusin.
“Narigat nga saan da nga maka-eskwela ta awan garud, ngem anya pay ngay, unaen ti para pamilya. (Mahirap isipin na hindi sila makapag aral pero wala talagang mapagkukunan, kaya inuuna ang para sa buong pamilya”) pagbabahagi ni lolo Francisco.
Ang pangunahing pinagkukuhanan ng kabuhayan ng pamilya ay ang pagtatanim ng gulay, saging at gabi. Sa kabila nang kanilang sipag, madalas pa rin na hindi sapat ang kanilang kinikita upang matugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan.
Sa bawat araw at buwan na lumilipas ay unti-unting nagiging bahagi ang pagsusumikap at pagtitiis. Ngunit ang lahat ay may biyayang nagbibigay ng kaginhawaan at pag-asa.
Mula sa matagal na pagkakabilang sa waitlist ay napabilang si Lolo Francisco sa mga tumatanggap ng Social Pension isang taon na ang nakalipas. Naging malaking tulong at kaluwagan sa pinansiyal ang natatanggap niyang pensiyon na nagkakahalaga ng tatlong libong piso (Php 3,000.00) bawat quarter para sa kanilang mag-asawa, lalo na sa pagbili ng gamot at bitamina na kinakailangan nila.
Ang SPP ay ipinatutupad upang makatulong sa mga nakatatandang mamamayan na walang sapat o regular na pinagkukunan ng kita para sa kanilang pang araw-araw na pangngailangan, partikular sa mga indigent senior citizens na higit na nangangailangan ng suporta.
Ayon kay Lolo Francisco, ang kanyang pagkakasama sa SPP ay nagsimula sa isang paalala nang kanilang barangay officals at senior president ng Senior Citizens Association sa kanilang lugar. Hinikayat silang mag-sumite ng kinakailangang dokumento na matiyaga niyang nilakad kasama ang dokyomento ng kanyang asawa sa pag-asang sila ay mabibigyan ng pagkakataong mapabilang dito.
“Agyamanak iti daytoy nga tulong ti programa ti Social Pension Program nga pangsuporta iti kasapulan iti uneg ti pag taengan kangrunaan iti usaren ni baket ko ta na bedridden garud ket kasapulan na ti agagas (Maraming salamat sa tulong na ito ng Social Pension Program na pangsuporta ko sa pangangailangan namin lalo na sa gamot ng aking bedridden na asawa)” ani Lolo Francisco.
Bagama’t siya ang tumatanggap ng pension ay malinaw sa kanya kung para kanino ito nakalaan.
“Napigsa nak payman nga agtrabaho iti umma kadwak dagiti anak ko, isunga ammok nga mas kasapulan ni baket ko daytoy ken pang pamilya (Malakas pa naman akong magtrabaho sa bukid kasama ang mga anak ko, mas kailangan ito nang aking asawa at sa gastusin nang aking pamilya”) dagdag niya.
Sa pamamagitan ng pinansiyal na tulong, nakabibili sila ng pangunahing pangangailangan nila gaya ng pagkain, gamot at iba pang gamit sa bahay. Ang mga simpleng bagay na dati mahirap bilhin ay abot-kaya na dahil sa pagkakaroon ng pensiyon mula sa programa.
Habang nagtratrabaho sa bukid si Lolo Francisco, naiisip niya lagi ang asawa dahil sa matinding init sa kanilang lugar. Kaya naman nang matanggap niya ang kanyang pensiyon para sa ikalawang quarter sa taong ito, isa sa una niyang pinaglaanang bilhin ang isang maliit na electric fan na nagdala ng ginhawa at kapayapaan sa isipan ni lolo.
Sa isang pamilyang salat sa buhay, maaring maliit lamang para sa iba ang tatlong libong piso (Php 3,000.00) ngunit para sa pamilya ni Lolo Francisco, ito ay nagsisilbing sandigan upang maipagpatuloy ang kanilang araw-araw na pakikibaka na mabigyan ng ginhawa ang isang pamilyang matagal nang humaharap sa hamon ng buhay.
Sa dulo ng kabundukan ng Baliwanan, malayo man sa sentro ng kaunlaran, nananatiling buhay ang pag-asa. Ang Social Pension Program ay hindi lamang tulong pinansiyal para kay Lolo Francisco, bagkus isa ring patunay na may mga programang umaabot maging sa mga liblib na pamayanan at nagbibigay ng suporta sa mga nakatatandang higit na nangangailangan.
At habang patuloy na bumabangon ang sikat ng araw sa kabundukan ng Apayao, patuloy ding bumabangon ang pag-asa sa puso ni Lolo Francisco, isang pag-asang nagbibigay nang lakas upang magpatuloy sa kanyang tungkulin bilang ama, asawa at isang matatag na haligi ng kanyang pamilya.
Sa tulong ng Social Pension Program, ang kuwentong katulad ng kay Lolo Francisco ay patunay na ang halaga ng tulong ay hind nasusukat sa laki nito, kundi sa buhay na nagbabago at sa pag-asang hatid nito sa mga nakatatanda na kahit nasa liblib na lugar, kaya pa ring hatiran ng serbisyo at programa ng gobyerno.
Sa kwento ni Lolo Francisco ay makikita na ang tunay na halaga ng tulong ay hindi nasusukat sa laki ng halaga, kundi sa buhay na nagbabago at sa pag-asang naibabalik nito sa mga nakakatanda sa ating lipunan..# DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, HAZEL ANN BUY-O.



