Sa isang komunidad na napapalibutan ng kabundukan na kung saan pagtatanim ng palay at gulay ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng pang araw-araw na pagkain ay matatagpuan si Lola Juanita Abayan, 81 taong gulang. At sa likod ng payapang paligid ay ang patuloy niyang pakikipagsapalaran sa kanyang mga pangangailangan.

Sa kabila ng kanyang edad, sinisikap niya pa ring makapagtanim sa kanyang maliit na hardin at minsan ay nakikisaka nang sa gayon ay may maihain sa hapag at maitabi para sa kanyang gamot. Hindi naging madali ang buhay para sa kanya, lalo na sa panahon ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa kasalukuyan, ayon kay Lola Juanita, ang kanyang mga anak at apo ay may mga kanya kanyang pamilya na. Sila ay nasa iba’t – ibang lugar na nakikipagsapalaran din sa buhay at doon na rin nakahanap ng trabaho. Dahil dito, naiwan sila ng kanyang asawa sa kanilang lugar at umaasa na lamang sa kita sa kanilang tanim na gulay at sa Social pension na kanyang natatanggap mula sa ahensya ng  Department of Social Program and Development (DSWD). Bagama’t paminsan minsan ay may tulong na naibibigay ang kanilang mga anak at apo bilang pandagdag sa kanilang gastusin, aminado siyang hindi ito palaging sapat. Kaya habang kaya pa nang kanyang katawan, patuloy siyang naghahanapbuhay upang may maihain sa hapag kainan at may kauniting maitabi.

Ngunit sa bawat hirap ay may ginhawang naghihintay, ito ay nang mapabilang siya bilang isa sa mga kauna-unahang miyembro ng Social Pension Program sa kanilang lugar noong 2012. Nagkaroon ng bahagyang liwanag ang sitwasyong kanyang dinaranas

Ang programang Social Pension Program na ipinapatupad ng DSWD ay may layuning magbigay ng tulong pinansyal sa mga nakakatandang walang pinagkakakitaan, walang pension sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno at sapat na tulong mula sa pamilya at iba pang kaanak upang matugunan ang pang araw araw na pangangailangan lalong lalo na sa gamot at pagkain. Sa pamamagitan nito ay naghatid ng kaunting kaginhawaan at pag-sibol ng pag-asa, hindi lamang para kay Lola Juanita kundi para rin sa iba pang nakatatandang hirap na sa paghahanap ng mapagkukunan ng kanilang gastusin. Maari mang hindi ito kalakihan ngunit para sa kanila ay malaking biyaya upang matustusan ang kanilang mga gamot, bigas, at iba pang gamit sa kusina.

Nagapo kami iti rigat nga awanan, isunga permi iti ragsak ko iti daytoy nga tulong nga ipapaay ti gobyerno kadakami nga Senior Citizen” ( Galing ako sa hirap kaya naman lubos akong nagagalak sa ibinibigay na tulong ng gobyerno sa aming mga Senior Citizen) salaysay ni Lola Juanita. 

Bagama’t malinaw sa kanila na ang tulong pinansyal na ito nakalaan para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan ay sinisikap niya paring magbanat ng buto upang kahit sa pang ulam man lang ay hindi na niya kailangang bumili. Tuwing kaya pa ng kanyang katawan, siya ay nagtatanim ng gulay at nakikisaka. Sa simpleng paraan na ito, nakakapagtabi siya ng kaunting halaga na ginagamit naman niya upang makatulong sa pag-aaral ng kanyang mga apo. Mula sa pagbili ng papel hanggang sa kaunting baon sa paaralan, malaki na ang naitutulong nito upang makapag patuloy ang kanyang mga apo sa kanilang edukasyon.

Kahit sa kanyang katandaan ay hindi rin nawawala ang kanyang malasakit na magbigay balik sa kanyang natatanggap sa pamamagitan ng simpleng partisipasyon niya sa komunidad tulad na lang ng Clean Up Drive, “galatis” o iyong pagtulong sa paaralan ng walang bayad at laging pagsama sa mga aktibong gawain ng organisasyon nila.

 “Dakkel ay pagyamanak nan indawat di gobyerno anay ay tulong ken dakami ya isnan pamilyak. Wada bassit nan pakalag-anan ay mailako si gatas, asukal, agas ya no wada mabati et mabalin ay mausar sin udom ay agew. Manyamanak unay, kangrunaan isnan DSWD ay mangidadaulo isnan pakaiwarasan na,”  ( Malaki ang aking pasasalamat sa tulong na binibigay ng ating gobyerno sa amin. Ito ay may dulot na kaginhawaan sapagkat may pambili na ng gatas, asukal, at gamot. Minsan ay may natitira na ginagamit din sa mga susunod pang araw. Muli, ako ay nagpapasalamat, lalo na sa DSWD na nagpapatupad nito.) saad ni Lola Juanita.

Para sa iba, maaaring maliit lamang ang halagang kanilang natatanggap. Ngunit para sa mga tulad ni Lola Virginia, ito ay isang napakalaking tulong na nagbibigay daan sa kanila upang makahinga ng bahagya mula sa araw-araw na hamon ng buhay.

Sa gitna ng kahirapan at pagtanda, ang Social Pension ay hindi lamang tulong pinansyal, bagkus ito ay simbolo ng pag-aaruga, pagkilala, at pag-asa para sa mga nakatatanda na patuloy na lumalaban sa buhay.# DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, HAZEL ANN BUY-O.