Sa bawat arangkada ng isang lumang tricycle sa mga lansangan ng Tabuk, Kalinga, hindi lamang pasahero ang isinasakay, kundi isang kwento ng tapang, tiyaga, at patuloy na pag-asa. Sa likod ng manibela, andoon ang isang babaeng tsuper na kilala sa pangalang Jojo Calamayan, 70 taong gulang, na hindi nagpahuli sa agos ng panahon, dala ang lakas ng loob at determinasyong itaguyod ang sarili sa kabila ng limitadong kita at tumataas na presyo ng gasolina. Sa mundong madalas inuukupa ng kalalakihan, pinatunayan ni Jojo na ang pagpupursige sa buhay ay walang kinikilalang kasarian at ang bawat pasada ay byahe tungo sa bagong kinabukasan.

Sa kanyang kabataan, aminado si Jojo na hindi naging tuwid ang kanyang landas. Pangatlo sa apat na babaeng magkakapatid, lumaki si Jojo na may mga pangarap na kalaunan ay naudlot nang hindi niya natapos ang kursong Commerce dahil sa impluwensya ng barkada, isang panghihinayang na tahimik niyang dala. Ngunit sa halip na manatili sa “sana,” pinili niyang kumilos. Hindi siya nagpadaig sa nakaraan. Sa halip, pinili niyang harapin ang kanyang realidad. Sa bawat trabahong kanyang pinasok, mula pagiging clerk, konduktor, hanggang librarian, unti-unti niyang hinubog ang sarili sa mas matibay na bersyon ng kanyang pagkatao, hanggang sa matagpuan niya ang landas na tunay na magdadala sa kanya sa araw-araw na laban — ang pamamasada ng tricycle.

Nagsimula si Jojo bilang tricycle driver sa edad na 30, isang hakbang na bihira para sa isang babae noong panahong iyon. Sa tulong ng kanyang pinsan na nagpahiram ng tricycle, nag-umpisang umarangkada ang kanyang mahabang biyahe sa kalsada. Ayon sa kanya, dito niya natagpuan hindi lamang ang kabuhayan, kundi ang pakiramdam ng kalayaan at direksyon sa buhay.

Ilang dekada na siyang namamasada, ang tricycle na ang naging sandigan niya sa araw-araw.  Sa kasalukuyan, kumikita siya ng humigit-kumulang PhP 200 kada araw, halagang lalong napapaliit dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina sa kasalukuyan. Sa kabila nito, nananatili siyang matatag kahit pa may iniindang arthritis.

Sa gitna ng ganitong sitwasyon, nalaman ni Jojo na magkakaroon ng assistance para sa mga tricycle driver, isang tulong sa paraang hindi niya inaasahan ngunit sadyang napapanahon dahil kabilang siya sa listahan na nagmula sa Local Government Unit (LGU) ng Tabuk. At noong 08 Abril 2026, maagang pumunta si Jojo sa Tabuk Gym para sa Pilot Rollout ng implementasyon ng Cash Relief Assistance (CRA). Ang CRA ay tulong pinansyal mula sa DSWD sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na ibinibigay sa mga kwalipikadong Public Utility Vehicle (PUV) drivers upang makatulong sa kanilang pang araw-araw na gastusin, lalo na sa panahon ng krisis tulad ng pagtaas ng presyo ng langis. Isa si Jojo sa mga kwalipikadong driver na nakatanggap ng naturang assistance na PhP 5,000. Isang simpleng halaga sa mata ng iba, ngunit para sa kanya, ito ay naging mahalagang sandigan upang maipagpatuloy ang pamamasada at matugunan ang araw-araw na pangangailangan, lalo na sa gasolina.

Dakkel unay nga pagyamanak kenne President Bongbong Marcos ken DSWD ta nakaawatak ti assistance nga PhP 5,000. Makatulong kanyak ti panagpasadak ta ti gasolinak ket premium (Lubos akong nagpapasalamat kay Pangulong Bongbong Marcos at sa DSWD dahil nakatanggap ako ng PhP 5,000 na tulong pinansyal. Makatutulong ito sa aking pamamasada dahil premium ang gasolina ko),” ani Jojo.

Sa bawat litrong napupuno ng gasolina mula sa tulong na ito, kapalit ay panibagong araw ng pag-asa at pagkilos. Bukod sa nabawasan ang bigat ng gastusin, mahalaga rin para kay Jojo ang pakiramdam na mayroong umaagapay sa mga katulad niyang araw-araw lumalaban sa kalsada ng buhay.

At sa kabila ng lahat, nananatiling masaya si Jojo, bitbit ang kanyang paniniwala sa disiplina sa sarili, tamang pagkain, at pahinga. Para sa kanya at payo na rin nya sa mga kasamahang tsuper na mahalaga ang pag-aalaga sa sarili, lalo pa’t hindi na raw siya bumabata.

Sa bawat arangkada ng kanyang tricycle, dala ni Jojo ang patunay na sa likod ng bawat hirap ay may pag-asang naghihintay at minsan, ang isang napapanahong tulong ang nagbibigay lakas upang hindi huminto sa biyahe ng buhay. Sa pamamagitan ng AICS ng DSWD, ang ganitong mga kwento ay nabibigyan ng konkretong tugon, ang agarang tulong na hindi lamang sumasalo sa pangangailangan, kundi nagbibigay-daan sa panibagong lakas ng loob upang ipagpatuloy ang nasimulan. Sa simpleng paraan, nabawasan ang kanyang alalahanin at nagkaroon siya ng pagkakataong magpatuloy sa kabila ng limitadong kita at pisikal na hamon.

Ang kwento ni Jojo ay hindi lamang tungkol sa isang babaeng tsuper. Ito ay kwento ng pagbangon, ng hindi pagsuko sa kabila ng edad at hirap, at ng pag-asang muling pinatatag ng suporta sa tamang panahon. At sa pamamagitan ng AICS Cash Relief Assistance, ang mga tulad ni Jojo ay nabibigyan ng pagkakataong makabangon, at patuloy na humawak sa manibela ng kanilang buhay. # DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MAYROSE U. CARIÑO