Si Mary Jane Lang-Udan Paciteng, 43, mula sa Atok Trail, Baguio City, ay isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at isang Barangay Health Worker na nagsumikap upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang apat na anak. Sa kabila ng kakulangan sa buhay at limitadong pinagkukunan ng kita, hindi siya tumigil sa pagtupad sa kaniyang pangarap na mapagtapos ang lahat ng kaniyang mga anak at maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan.
“Bilang isang single mom, hindi naging madali ang pagtaguyod sa aking mga anak, lalo na pagdating sa pag-budget ng aming pang-araw-araw na pangangailangan. Maraming hamon ang aking kinaharap, ngunit kinakaya ko ito sa pamamagitan ng diskarte, tiyaga, at maingat na paghawak ng aming limitadong kita,’ ani Mary Jane.
Sa tulong ng 4Ps at ng kaniyang walang sawang tiyaga, matagumpay niyang naitaguyod ang pag-aaral ng kaniyang mga anak. Ang kaniyang panganay na si Ireneo Jake ay nakapagtapos ng vocational course at may trabaho na, habang ang ikalawang anak na si Iree Jane at ikatlong anak na si Jeff Ivan ay kapwa mahusay sa kolehiyo bilang mga Dean’s Lister—ang isa ay kumukuha ng Bachelor of Science in Psychology bilang iskolar ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at ang isa naman ay Bachelor of Science in Secondary Education major in Social Studies. Ang bunso naman na si Iverson ay nasa Grade 11 at patuloy na nakakamit ang mga karangalan sa paaralan.
Ayon kay Mary Jane, “Ang edukasyon ng aking mga anak ang pinakamahalagang pamana na maiiwan ko sa kanila, kaya hangga’t kaya ko, hindi ako susuko.” Ang paniniwalang ito ang nagsilbing lakas at gabay niya upang magpatuloy sa bawat hamon at pagsubok na dumating sa kaniyang buhay.
Hindi lamang sa tagumpay ng kaniyang mga anak makikita ang bunga ng kaniyang pagsisikap. Sa loob ng pitong taon, nagsilbi rin siyang masipag at mapagkalingang Barangay Health Worker (BHW), tumutulong sa pangangalaga ng kalusugan ng mga ina, bata, at iba pang residente sa kanilang komunidad. Samantala, noong 2023, napangaralan siya bilang “4th place Most Outstanding BHW in the Cordillera” at “3rd place Most Outstanding Regional Barangay Health Population Volunteer Worker in the Cordillera”. Dahil dito, lalo siyang naging inspirasyon sa mga kapwa magulang at kababaihan sa kanilang lugar.
“Sa pamamagitan din ng Family Development Sessions, marami akong natutunan bilang grantee sa programa lalo na sa tamang pag-gabay at pag-aalaga sa aking mga anak. Ang 4Ps ay nagbigay sa amin ng pag-asa at inspirasyon, lakas ng loob upang magsikap pa para sa mas maayos at magandang kinabukasan. Naging daan ito para mas mapatatag naming ang aming relasyon na mag-iina,” sabi ni Mary Jane.Sa ngayon, si Mary Jane ay kinikilalang inspirasyon sa komunidad—isang huwarang ina, lingkod-bayan, at matatag na babae. Ang kaniyang kuwento ay patunay na sa sipag, pananampalataya, at walang sawang pagmamahal ng isang ina, walang pagsubok ang hindi kayang lampasan at walang pangarap na hindi maaabot.//DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, CHRISTIAN ROBERT M. SANDOVAL (4Ps IO) and ALICIA MAE T. BRAGAS (SMU Intern)



