Balbalan, Kalinga– Mula sa hirap at kakulangan, patuloy na bumabangon at nangangarap ang pamilya ni Amy Grace Dalipog Agyao, isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

“Malaki ang naitulong ng 4Ps sa amin. Kahit mahirap ang buhay, hindi kami nawawalan ng pag-asa dahil alam naming may sumusuporta sa amin,” ani Amy.

Bilang ina ng tahanan, ibinahagi niya ang mga pagsubok na pinagdaanan ng kanilang pamilya. Ayon sa kanya, minsan ay hindi nagiging sapat ang kanilang kinikita sa pagsasaka upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga anak. Dahil dito, nagiging hamon ang pagpapaaral at pagpapanatili ng kalusugan ng kanilang pamilya. Sa kabila ng mga pagsubok, hindi sila nawalan ng pag-asa.

“Hindi kami susuko sa mga pangarap namin na mabigay lahat ng pangangailan ng aming mga anak,” dagdag ni Amy.

Para sa kanya, ang pangarap niya para sa kanyang mga anak ay ang makapagtapos sila ng pag-aaral upang magkaroon ng mas maayos na kinabukasan. Sa kasalukuyan, ang lahat ng kanilang mga anak ay patuloy na nag-aaral—si Jaren ay nasa Senior High School, si Rence ay nasa Grade 11, si Jann ay nasa Grade 7, at si Prinz naman ay nasa Grade 4. 

Ayon kay Ginang Amy, malaki ang naitulong ng 4Ps sa kanilang pamilya, mula sa pinansyal na suporta para sa edukasyon at kalusugan hanggang sa kaalamang natutunan sa Family Development Sessions. Para sa kanya, ang mga kaalamang ito ay nagbigay sa kanya ng kumpiyansa at lakas ng loob upang harapin ang mga hamon sa buhay. Naging aktibo rin siya bilang Parent Leader at nakibahagi sa iba’t ibang programa ng pamahalaan tulad ng livelihood initiatives ng lokal na pamahalaan. Ang kwento ng pamilya Agyao ay patunay na ang 4Ps ay hindi lamang tulong-pinansyal kundi isang hakbang tungo sa mas matatag, mas may pag-asa, at mas maunlad na kinabukasan para sa bawat pamilyang Pilipino.//Jennifer A. Feranil, Student Intern, ASIST; Christian Sandoval, IOII