KABUGAO, APAYAO – Isang simpleng bahay na gawa sa tabla at bolo ang naging tahanan ng pamilyang Ventura sa Brgy. Lucab, Kabugao, Apayao. Sa kabila ng kahirapang dinanas sa loob ng tahanang ito, nag-uumapaw naman ang kanilang matibay na pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at magbukas ng pinto para sa mas magandang kinabukasan. Ngayon, ang dating batang nangarap lamang na makapagturo sa sariling komunidad na si Donalyn T. Ventura, ay isa nang ganap na guro na nagbibigay liwanag sa landas ng mga kabataan sa Apayao Community Learning Center.
Ang pamilya ni Donalyn,23 taong gulang, ay kabilang sa mga “pinakamahirap” (poorest among the poor) sa kanilang lugar. Ang kanyang mga magulang na sina Ceasar at Noralyn Ventura ay umaasa lamang sa pagtatanim ng mais at palay, gayundin sa mga pansamantalang trabaho tulad ng pagkakarpintero at pagtratrabaho sa bukid, madalas silang kapusin sa pagkain at kagamitan sa paaralan ngunit hindi ito naging hadlang sa kanilang pagsusumikap na makaahon sa kahirapan.
Noong 2008, dumating ang liwanag sa kanilang buhay nang mapabilang sila sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Bilang isang monitored child ng programa, naging masigasig si Donalyn sa pag-aaral at ginamit ang kanilang sitwasyon bilang inspirasyon upang makamit ang pangarap na maging guro. Ang suporta ng kanyang mga magulang, ang tulong-pinansyal mula sa 4Ps, at ang kanyang ate na si Sherlyn ang naging pundasyon ng kanyang tagumpay. Hindi lamang ito nakatulong sa kanyang pag-aaral kundi pati na rin sa kanyang mga kapatid. Ang kanyang ina na si Noralyn, na nagsilbing Parent Leader sa kanilang barangay, ay ibinahagi sa pamilya ang mga aral mula sa Family Development Session (FDS)isang karanasan na naging daan din upang mapansin ang kanyang kakayahan bilang isang Barangay Health Worker.
Noong 2024, natupad ang matagal ng pangarap ni Donalyn nang siya ay magtapos ng Bachelor of Science in Secondary Education, Major in English sa Apayao State College, na sinundan agad ng kanyang pagpasa sa Licensure Examination for Teachers (LET). Kasabay nito, ang kanyang ate na si Sherlyn ay nagtatrabaho na ngayon sa ibang bansa upang mas mapabuti pa ang kanilang kalagayan. Mula sa bahay na kahoy at bolo, nakatira na sila ngayon sa isang sementadong bahay. Unti-unti na silang nakakaahon at malapit na ring makapagtapos sa programa ng 4Ps.
“Malaki ang aking pasasalamat sa 4Ps dahil isa ito sa naging malaking tulong upang makapagtapos ako sa aking pag-aaral, gayundin ng aking mga kapatid,” ani ni Donalyn. “Ang kahirapan ay hindi hadlang kung may determinasyon at suporta mula sa komunidad at sa mga programang handang tumulong.”
Ang kuwento ni Donalyn ay isang patunay na ang pangarap, kapag sinamahan ng sipag, tiyaga, at sapat na suporta, ay kayang lampasan ang anumang balakid. Mula sa simpleng tahanan, siya na ngayon ang naghahandog ng pag-asa at kaalaman para sa susunod na henerasyon sa loob ng silid-aralan. #DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, with GRECHELL D. CRISOSTOMO, Student Intern – Abra State Institute of Sciences and Technology



