Sa likod ng tahimik na pamumuhay sa West Quirino Hill, Baguio City, ay may isang kwento ng pagsusumikap, pananampalataya, at pag-asang patuloy na hinubog ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Para kay Remedios Galicia Layco, 46 anyos at may-ari ng maliit na sari-sari store, hindi naging madali ang buhay bago maging benepisyaryo ng 4Ps. Kasama ang kaniyang asawang si Villamor Layco, pinalaki nila ang anim na anak sa gitna ng kakapusan sa kita, limitadong trabaho, at walang kamag-anak na maaaring sandalan sa oras ng pangangailangan.

“May mga gabi na hindi ko alam kung paano haharapin ang susunod na araw,” ani Remedios, habang inaalala ang panahong kailangang pagkasyahin ang maliit na kita para sa bigas, pamasahe, baon, at maging sa gamutan ng isa sa kanilang mga anak na madalas maospital.

Sa kabila ng kahirapan, hindi kailanman nawalan ng pangarap ang pamilya Layco. Ang kanilang mithiin ay simple ngunit makabuluhan ito ay mapagtapos ang lahat ng anak sa pag-aaral at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan. Hindi man madali, patuloy nilang pinanghawakan ang paniniwalang may hangganan ang hirap basta’t sama-sama ang pamilya.

Ngayon, apat sa kanilang mga anak ay nasa kolehiyo na, kumukuha ng kursong Medical Technology, Development Communication, Forensic Science, at Mechanical Engineering, habang ang dalawa ay kasalukuyang nasa Grade 10 at Grade 11. Kilala ang mga anak sa pagiging masisipag, walang bisyo, at aktibong kalahok sa mga aktibidad sa paaralan at komunidad. Ang panganay ay tumutulong pa sa pag-aaral ng mga kapatid sa pamamagitan ng scholarship na kaniyang natatanggap.

Malaki ang naging papel ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa paghubog ng bagong yugto ng buhay ng pamilya Layco. Ayon kay Remedios, ang tulong-pinansyal mula sa programa ay naging katuwang nila sa edukasyon ng mga anak, gastusin sa kalusugan, pang-araw-araw na pangangailangan, at maging sa mas aktibong partisipasyon sa komunidad.

“Higit pa sa ayuda, ang 4Ps ay naging gabay din namin bilang magulang,” ani Remedios. “Sa Family Development Sessions (FDS), natutunan namin kung paano maayos na i-budget ang maliit naming kita, kung paano mas intindihin at gabayan ang aming mga anak, at kung gaano kahalaga ang pag-uusap sa loob ng pamilya. Malaki rin ang naitulong ng trainings at seminars mula sa sustainable livelihood Program, gulayan sa bakuran at sa kalusugan para masuportahan namin nang mas maayos ang pangangailangan ng aming mga anak.”

Ang kwento ng pamilya Layco ay patunay na ang 4Ps ay hindi lamang tungkol sa tulong-pinansyal, kundi isang programang nagbubukas ng oportunidad, nagpapalakas ng pamilya, at nagbibigay-daan sa pangmatagalang pagbabago.

Sa kanilang patuloy na paglalakbay, nananatiling buhay ang pangarap ng pamilya Layco na balang araw, ang lahat ng sakripisyo ay magbubunga ng mas maliwanag at mas maayos na kinabukasan, hindi lamang para sa kanila kundi para rin sa kanilang komunidad. #DSWD FIELD OFFICE CAR, SOCIAL MARKETING UNIT, MEYNARD ALONZO PACLEBA, reports from MARIBETH TULIC.